Utak Langgam ka ba?

Posted by NEIL LORD V. GUITANG Wednesday, September 30, 2009

Maliban sa alam natin na sila ay likas na masakit mangagat, kilala din natin ang maliliit na nilalang na ito na pumuputakti sa ating matatamis, malinamnam, at masasarap na pagkain sa hapag-kainan.

Madalas natin silang makita sa ibabaw ng lamesa, sa dingging, sa kubeta, sa lababo, sa basurahan at kung saan-saan pang lugar na may makakain.


At aakalain mo bang kaya nilang bumuhat ng dambuhalang ipis, butiki, at patay na uod?


Hindi mo maipagkakaila na sa tanang ng buhay mo marami ka ng napaslang sa kanila. Baka kanina lang ay meron kang inipit sa iyong mga malilikot na daliri. Baka kanina lang ay mayroon kang natapakan o naupuan sa kanila. Baka kanina lang ay nagpakulo ka ng tubig at ibinuhos sa kanilang tahanan.


Kaya naman, aminin na natin na lahat tayo ay tinaguriang mamamatay-langgam!


Ngunit hindi ang teknik kung paano pumatay ng langgam ang nilalaman ng akdang ito. Nais kong ibahagi sa inyo ang natutunan kong pilosopiya ngayong araw. ANG PILOSOPIYA NG MGA LANGGAM!


Mayroong apat na simpleng pilosopiya ang mga langgam na dapat matutunan nating mga tao.


Una, ANTS NEVER QUIT. Ito ang pinakamagandang likas na ugali ng mga langgam. Hindi sila marunong sumuko.


Nasubukan mo na siguro silang paglaruan ng iyong mga daliri. Madalas mo silang harangan ng iyong hintuturo sa bawat direksyong kanilang dadaanan hindi ba? Ngunit napansin mo ba na hindi sila tumitigil? Maghahanap at maghahanap sila ng ibang daan papalayo sa harang na ginawa mo. Kung hindi man, malamang aakyat sila sa iyong daliri at patuloy sa paglalakad.


Akyat dito, akyat doon. Lakad dito, lakad doon. Hanggang sa sila ay makalusot sa iyong mga paglalaro. Hindi ba at napakahusay na pilosopiya ang ganito? Ang hindi pagsuko sa mga hadlang makarating lang sa gusto mong puntahan.


Pangalawa, ANTS THINK WINTER ALL SUMMER. Ito ay isa ring kahanga-hangang likas na ugali ng mga langgam. Kung ang tao ay madalas na happy-go-lucky o ubos-ubos biyaya kung ating tawagin, ang mga langgam ay hindi ganito. Wala silang iniisip tuwing tag-araw kundi ang pagsapit ng tag-lamig o tag-ulan.


Kaya naman hanggat may araw at tuyo pa ang lupa, paspasan ang kanilang pag-iimpok ng kanilang makakain. Walang pwedeng makahadlang sa kanilang paghahanap ng maitatagong pagkain hanggat panahon pa ng tag-araw. Alam nila na hindi magtatagal at matatapos na ang tag-araw at sasapit na ang tag-ulan.


Kailangan nating maunawaan ang pilosopiyang ito sapagkat ito ay riyalistiko. Katulad ng mga langgam, habang may pagkakataon tayo na makapagimpok, kailangan nating maghanda sa pagdating ng tag-ulan. Kailangan nating paghandaan ang maaaring dumating na mga kalamidad. Isipin natin ang hinaharap. Katulad nga mga boyscout na; "Always prepared!"


Pangatlo, ANTS THINK SUMMER ALL WINTER. Ang mga langgam ay hindi tumitigil sa pag-iisip ng kanilang gagawin. Kumbaga e walang day-off sa kanilang angkan. Importante ito sapagkat gustong masiguro ng mga langgam na magiging sapat ang kanilang suplay ng pagkain habang tag-ulan. Sabi ng mga langgam, ang kanilang inipon ay likas na mauubos at kailangan nila ang tuloy-tuloy na paggawa.


Akala niyo ba na habang tag-ulan e naghahappy-happy ang mga langgam sa kanilang lungga? Hindi. Sapagkat habang nasa ilalim sila ng kanilang lungga habang panahon ng tag-ulan, ang mga langgam ay iniisip na ang kanilang gagawin sa unang araw ng pagsapit ng tag-araw.


Kaya naman, sa unang araw ng panahon ng tag-araw muli silang lalabas at magtatrabaho sa labas ng kanilang lungga. Lagi silang nasasabik na makalabas upang maghanap ng makakain na maitatabi upang paghandaan muli ang pagdating ng tag-ulan.


Ikapat, GATHER ALL THAT WE POSSIBLY CAN. Isipin mo na lang kung gaano kasipag ang mga langgam sa pilosopiya nilang ito. Ang bawat segundo sa kanila ay mahalaga. Katumbas ito ng bawat pagkain na pwede nilang makuha. Katumbas ito ng buhay ng bawat isa nilang kasapi. Katumbas ito ng pundasyon ng kanilang tahanan.


Maliit man o malaking tipak ng pagkain iniimpok ng mga langgam. Maliliit man sila kung ituring ngunit kaya nilang bumuhat ng malaking patay na ipis o uod sa pamamagitan ng kanilang pagtutulungan. Tunay na napakagandang likas na pag-uugali hindi ba?


Madalas ang mga simpleng bagay ay nakakalimutan natin. Tulad ng mga simpleng nilalang na katulad ng mga langgam, hindi natin lubos maisip na meron pala tayong makukuhang magandang aral mula sa kanila. Kung bubuksan lang natin ang ating isipan sa mga bagay na likha na Diyos para sa atin, mauunawaan nating simple lang naman talaga dapat ang buhay.


Ikaw, utak langgam ka ba?

0 comments

Latest News on Mobile Phones

Latest Technology News

Latest News in the Philippines

Latest Entertainment News

Blogumulus by Roy Tanck and Amanda FazaniDistributed by CahayaBiru.com

My Featured Blogs

Followers

My Affiliation

Personal - Top Blogs Philippines

Make your own BLOG NOW!

Making your own blog is as EASY as one to three! Just follow three (3) simple steps indicated.

Twit-Twit