Una sa lahat, hindi ako natuwa sa bagong balita na nakakasa na sa kamara de representante ang pagdaragdag ng ika-siyam na sinag ng araw sa watawat ng Pilipinas.
Pangalawa, hindi ako sang-ayon sa ibinigay na layunin ng pagdaragdag ng ika-siyam na sinag ng araw na nagsasabing "upang bigyang halaga ang bahagi ng mga kapatid nating Muslim sa pakikibaka sa ating kalayaan." Ngunit nais kong linawin na ako ay hindi sang-ayon sa lohika ng layunin at hindi sa mga kababayan kong Muslim.
Pangatlo, dismayado ako sapagkat bakit ganitong klaseng mga batas ang inaatupag ng ating mga lider na ipasa sa ating Kongreso at Senado. Hindi ba at mas maraming mas importanteng mga batas ang dapat nilang inaatupag kaysa sa sa pagdaragdag ng ika-siyam na sinag?
PANIBAGONG GASTUSIN PARA LANG SA IISANG SINAG? Ang pagdaragdag ng panibagong sinag ay nangangahulugan ng pagdaragdag ng panibagong gastusin para sa bansang Pilipinas at sa bawat Pilipino.
Paano?
Unang gastusin, ang pagpapalit sa imahe ng ating watawat ay katumbas din ng pagpapalit sa mga datos na nauukol dito. Halimbawa, ano ang gagawin natin sa mga aklat na tumatalakay sa ating kasalukuyang watawat? Ilang taon na ba ang nakakalipas mula ng magpalit tayo ng imahe ng ating watawat? Hindi bat maraming dekada na ang nakakaraan at ito ang nilalaman ng ating mga aklat at mga datos na nauukol sa kasaysayan ng ating watawat?
Kung papalitan natin ang ating watawat ngayon, ibig sabihin hindi na angkop ang mga nilalaman ng mga kasalukuyang libro na ginagamit ng ating mga paaralan sa buong Pilipinas. Ang ibig sabihin nito kakailanganing palitan ang lahat ng libro na tumatalakay sa ating watawat upang ito ay maging akma sa bagong batas. Katumbas nito ang paggawa ng mga panibagong aklat.
At ang totoo, ang pagpapalit ay hindi katulad ng pagpapalit sa datos na nasa loob ng isang komputer na pwede mong burahin at palitan ng bago. Bagkus, ang bawat libro na tumatalakay sa ating kasalukuyang watawat ay mababago lamang sa pamamagitan ng paggawa ng mga panibagong aklat. Samakatuwid, kailangan ulit gumastos ng pamahalaan at mga pribadong sektor ng malaking salapi para lamang iakma ang mga libro. Ito ang magiging epekto ng pagdaragdag ng isa lamang sinag sa ating watawat, ang gumastos ng malaki para lamang sa isang sinag ng araw.
Pangalawang gastusin, ang paggawa at pagbili ng panibagong watawat para sa bawat tanggapan na gumagamit nito. Ang pagbabago sa ating watawat ay nangangahulugan din na kailangan bumili ang bawat tanggapan, pribado man o pampubliko, ng panibagong watawat upang hindi sila makalabag sa batas. Marahil kung iisipin maliit lamang na halaga ito kung magtatakda tayo ng isang watawat para sa bawat tanggapan. Ngunit kung tutuusin, kung susumahin natin lahat ng gastusin ng bawat tanggapan hindi ito basta-bastang salapi na dapat ay inilaan sa mas mahalagang bagay.
Gayundin, may mga mangangalakal sa ating ekonomiya na dedikado lamang sa paggawa ng watawat. Sa mga ganitong industriya, tipikal na magkaroon sila ng mga kalakal (stocks) upang ito ay ipagbili. Aanhin nila ang mga ito kung babaguhin ng gobyerno ang ating watawat? Babayaran ba ng gobyerno ang kanilang mga nagawa ng kalakal? Kung babayaran nga, ibig sabihin maglalaan na naman ang ating pamahalaan ng salapi upang ito ay tustusan.
Hindi maaring ikatwiran ng pamahalaan na magbibigay sila ng palugit upang ibenta ang lahat ng mga nagawa ng kalakal sapagkat kung tutuusin wala ng gustong bumili nito sapagkat alam na ng mamimili na sa kalaunan ang mga ito ay mawawalang halaga din naman. Ibig sabihin nito, kung hindi maibebenta ang lahat ng kalakal, isang kalugihan ito sa mga nagnenegosyo.
Kaugnay din nito, may mga kalakal din tulad ng damit, souvenir items, memorabilia, at iba pang kalakal na may disenyo ng ating kasalukuyang watawat na ipinagbibili sa pamilihan. At dahil sa ito ang uso ngayon na disenyo bilang bagong paraan ng pagkilala sa ating kasarinlan hindi nakapagtataka na marami ang ganitong kalakal sa ating ekonomiya.
Ano ang magiging epekto nito?
Kakailanganin ng mga mangangalakal na baguhin ang disenyo ng kanilang produkto o kung hindi man baka hindi na nila maibenta ang kanilang mga kalakal sapagkat hindi na ito sang-ayon sa bagong disenyo ng ating watawat. Samakatuwid, malaking gastusin na naman ito para sa ating mga mangangalakal na maaari ding makaapekto sa presyo ng kanilang bilihin at gayundin sa ating mamimili.
Pangatlong gastusin, ang panukalang pagbabago sa imahe ng ating watawat ay nangangahulugan din ng panibagong gastusin para sa bawat mamamayan ng Pilipinas.
Paano?
Kung uunawaing mabuti ang unang dalawang gastusin na nasa itaas, ang sasalo ng panibagong gastusin na ito ay ang mga mamimili o ang mga Pilipino. Halimbawa, sa mga mag-aaral para sa pagbabago ng kanilang aklat, sa mga mangangalakal na kailangang maglaan ng panibagong panustos para sa pagbabagong ito, sa mga tanggapan katulad ng museums at galerias na nangangalaga sa kasaysayang nauukol sa ating watawat, at ano pa't sa bawat isang Pilipino.
Maaari din idagdag dito ang napakaraming dapat na gawing pagbabago sa mga datos na nauukol sa disenyo, ispesipikasyon, at mga importanteng tala ukol sa ating watawat. Hindi lamang ang ating bansa ang kailangan magbago ng mga datos na nauukol sa ating watawat kundi pati na rin ang ibang bansa lalo na pagdating sa magiging imahe o disenyo ng bagong watawat.
Para gawin ang mga ito, kailangang gumastos ang pamahalaan ng salapi upang ipaalam sa buong mundo ang pagbabagong ito. Hindi lamang ito magdudulot ng malaking gastusin kundi ng maraming mga pagbabago.
Panibagong gastusin at pagbabago para lamang sa isang sinag ng araw sa ating watawat?
MAKATWIRAN BA ANG LAYUNIN? Nagtataka ako kung bakit ganito ang naging layunin ng pinag-isang panukala mula sa Senado at Kongreso (Senate Bill 3307 at House Bill 6424) upang amyendahan ang Republic Act No. 849 o ang batas na sumasaklaw sa ating Watawat, Pambansang Awit, Pambansang Sawikain, Coat-of-Arms at iba pang kasangkapan na nauukol sa pambansang kasarinlan ng Pilipinas. Ang layunin daw ay upang bigyang pagkilala ang bahagi ng ating mga kapatid na Muslim sa pakikipagbaka para sa kalayaan ng ating bansa.
Teka muna, hindi ba't meron na silang bahagi o meron ng sumasagisag sa kanila sa ating watawat? Hindi ba't saklaw ng isa sa tatlong bituin sa ating watawat ang Mindanao? Ang dalawa ay para sa Luzon at Visayas. Ang mga bituin na ito ay sumasagisag ng pagkilala ng ating bansa sa ating mga mamamayang Pilipino sa kanilang matapang at may integridad na pakikibaka para sa kalayaan ng bawat Pilipino? Kung tutuusin meron silang patas na bahagi sa ating watawat.
Ang magkaroon ba ng imahe sa ating watawat ang naging layunin nila Lapu-Lapu, Sultan Kudarat, at Rajah Sulayman o ng iba pa nating mga bayani, sa kanilang pakikipaglaban para sa ating bansa? Marahil hindi, sapagkat kung ito ang naging layunin nila marahil gumawa rin sila noon ng sarili nilang bandila upang isagisag ang kanilang katapangan.
Kung ganito ang naging pag-iisip ng bawat bayani natin, marahil ang Luzon, Vizayas at Mindanao na bumubuo sa Pilipinas ay mayroong sari-sariling bandila ngayon. Bagkus, nagkaisa sila na magkaroon ng iisang bandila para sa ating bansa.
Gayundin, kung ito ang layunin ng nasabing batas; ang upang bigyang pagkilala ang bahagi ng Mindanao sa kasarinlan ng bansa, kaya sila bibigyan ng kanilang sariling sinag sa watawat ng Pilipinas, paano naman ang mga kapatid natin sa Kabisayahan?
Hindi ba't ang walong sinag ng araw sa ating watawat ay sumisimbolo sa walong lalawigan na nakipagbaka noon para sa ating kalayaan? Ang mga ito ay ang Batangas, Bulacan, Cavite, Laguna, Manila, Nueva Ecija, Pampanga at Tarlac. Ang walong lalawigang ito ay matatagpuan sa Luzon. Paano naman ang mga nasa Visayas? Wala ba silang kontribusyon sa ating kalayaan? Hindi ba dapat bigyan din natin sila ng kanilang sariling sinag sa ating watawat?
Kung bibigyan natin ang Mindanao ng sariling sinag, hindi ba dapat bigyan din natin ang Visayas?
Ito ba ang napapanahong paraan upang magkaroon ng pagkakaisa ang bawat Kristiyano at Muslim? Nakanino ba ang problema? Nasa ordinaryong mga mamamayang Muslim at Kristiyano ba ang kawalang pagkakaisa? O nasa mga kinikilala nating lider sa ating bansa? Wala akong nakikitang sigalot sa ating mga ordinaryong mamamayang Muslim at Kristiyano, nakikita ko ang sigalot sa ating mga namiminuno.
Walang karapatan ang sinumang lider ng ating bansa na hikayatin ang bawat mamamayang Pilipino ng pagkakaisa kung hindi naman ito ang nakikita sa kanilang pamumuno.
Walang karapatan ang sinumang lider ng ating bansa na magpatupad ng batas ng ating pamahalaan kung sila rin naman ang unang hindi tumutupad at sumusunod dito.
Walang dapat asahan ang mga lider sa mamamayang Pilipino ng pakikipagkaisa sa ating pamahalaan kung hindi nito maipapangako na maaayos nito ang kanyang sistema.
Walang maaasahan ang gobyerno ng pagsunod ng ating mamamayan kung mismong mga lider nito ay hindi disiplinado.
GANITONG BATAS BA ANG DAPAT INAASIKASO NGAYON? Dismayado ako araw-araw habang pinapanuod ko sa telebisyon ang mga lider ng ating bansa na nagbabangayan at nagbabatuhan ng sari-sarili nilang baho sa pamumuno ng ating bansa. Ito ang larawan ng ating mga lider sa buong mundo sa pamumuno ng ating pamahalaan. Inuubos nila ang kanilang mahahalagang oras upang talakayin ang pansariling pagkakaalit na nagamit sana upang talakaying mabuti ang mga nakabinbing mga mas mahahalagang batas.
Dito naman tayo magaling e, sa walang humpay at di matapos-tapos na debate. Kung tutuusin, mga personal na pagkakaalit lamang naman ang pinagtatalunan ng ating mga lider hindi ba? At kapag natapos ang bangayan, ang mga batas na hindi napapanahon ang inuuna nilang atupagin.
Kailan tayo makakakita ng tanggapan ng ating pamahalaan na nagbibigay halaga sa bawat mamamayang Pilipino?
Kailan natin makikita ang ating mga mambabatas at mga namiminuno sa ating bansa na masaya at kusang nagkakaisa upang pagusapan ang ikabubuti ng bawat isang Pilipino?
Kailan natin matutunghayan sa kongreso, senado, palasyo at mataas na hukuman ang ating mga lider na, naguunahan ngunit may pagkakaisa at nagpapagalingan ngunit may pagrespeto, sa pagpasa ng mga batas na makakabuti sa ating bansa?
Kailan natin maaabot ang pinakamataas na uri ng propesyonalismo at disiplina sa ating pamahalaan?
Ng walang pagtatalo.
Ng walang kasakiman.
Ng walang pansariling interest.
Bagkus,
May pagkakaisa.
May pagtutulungan, at
May pagpapahalaga.
Para sa bansang Pilipinas at sa bawat mamamayang Pilipino?
0 comments