Minsan may isang lalaki na nakahanap ng paru-paro na hindi pa nakakalabas sa kanyang baluti (cocoon). Isang araw napansin niya na nagkaroon ng maliit na butas ang baluti. Ngunit sa paglipas ng mga araw, hindi na lumaki ang butas at sa wari ng lalaki ay hindi na ito lalaki pa. Sa tingin ng lalaki tumigil na sa paglaki ang butas at hindi na ito lalaki at hindi na makakalabas ang paru-paro sa loob.
Nagpasya ang lalaki na tulungan ang paru-paro upang makalabas sa baluti na bumabalot dito. Kumuha siya ng gunting at ginupit ang baluti upang makalabas ang paru-paro. Nagtagumpay ang lalaki at madaling nakalabas ang paru-paro sa baluting bumabalot sa mura nitong katawan. Nakalabas ng matagumpay ang paru-paro ngunit ang katawan ang katawan nito ay maliit at may mahinang pakpak.
Natuwa ang lalaki habang pinagmamasdan ang paru-paro. Pakiramdam ng lalaki ay nabigyan niya ng kalayaan ang paru-paro at nailigtas niya ito sa kamatayan. Umaasa siya na sa pagdaan ng panahon, lalaki din ang katawan ng paru-paro pati na ang kanyang pakpak at ito ay makakalipad din.
Ngunit wala ni isa sa mga inaasahan niya ang nangyari. Hindi na kailanman lumaki ang paru-paro at habang buhay itong gumagapang at hindi kailanman nakalipad.
Hindi sa lahat ng pagkakataon nakakabuti ang paghahangad nating makatulong. Hindi nauunawaan ng lalaki na ang paglalagay ng Maykapal ng baluti sa paru-paro ay isang paraan ng kalikasan upang puwersahin ang paru-paro na magkaroon ng malakas na pakpak at matatag na katawan upang ito ay makalipad. Kapag ang isang paru-paro ay matagumpay na nakalabas sa isang matigas na baluti na bumabalot sa kanyang murang katawan, isa itong tagumpay para sa paru-paro na handa na itong lumaya at lumipad.
Lahat ng tao ay dumadaan sa pagsubok katulad ng paru-paro na nababalot sa isang baluti. Kapag hindi tayo binigyan ng Diyos ng mga pagsubok sa buhay magiging katulad tayo ng kawawang paru-paro na may mahinang katawan, hindi na lumaki, at hindi na kailanman nakalipad.
Ang pagtulong sa ating kapwa ay magiging makabuluhan kung ito ay makakapagdulot sa kanya ng lakas, aral, at inspirasyon. Ito ay walang kabuluhan kung makakapagdulot sa ating kapwa ng katamaran, dependensiya at kamangmangan.
0 comments