Isa…dalawa…isa nalang. Whew! Narating ko na rin ulit. Limang taon ko din itong ginagawa. Bukas, baka hindi ko na ito maranasan. Sapagkat bukas, graduation ko na.
Katulad ng dati, diretso ako sa paborito kong tambayan….sa CR. Sa CR (sa ika-sampu na palapag) ng pinakamatayug na bahagi ng Unibesidad ni San Louis….ang tanyag na Charles Vath Library. Nakatayo ito sa gitna ng unibersidad at ito ang pinakamataas sa lahat ng gusali sa campus. Paborito ko dito sapagkat dito, “Ako ang Hari!” Hawak ko ang buong kaharian ng unibersidad. Tanaw ko ang bawat kawal sa ibaba ng pinakamatayug kong kaharian. Nakikita ko ang kilos ng bawat kawal sa ibaba ng aking templo.
At katulad ng dati, nag-aambisyon na naman ako. Nangangarap. Nag-iilusyon. Nag-iisip. Kaya nga ako naging Louisian eh, sapagkat natural sa akin ang pagiging ambisyoso!
Ito ang paborito kong gawin kapag nasa CR ako ni kuya Charles Vath…ang mag-site seeing sa kaharian ng Unibersidad ni San Louis. Sapagkat dito natatanaw ko ang lahat ng kilos ng bawat tao na nasa ibaba, lahat ng matatayog na kolehiyo sa paligid, at ang mga Enriquez Bros. (mga sekyu) na nanghuhuli ng mga estudyanteng di nakasuot ang I.D.
Dito natatanaw ko din ang mga estudyante na ginagawang concert ground at studio ang buong paligid ng unibersidad upang magpraktis ng kung anu-ano. May nagsasayaw, may uma-akting, may kumakanta, may nag-aala-Mike Enriquez, at may tumatambling. Dito sila kumukuha ng Masterals in Dancing, Singing, Acting, Reporting, at lahat na ng pasakit para lang maipasa ang kanilang mga minor subjects. Alam ko kasi naging Freshman din naman ako.
“Tang…tang…the angel of the lord…” biglang tumigil ang pag-ikot ng mundo pati na ang mga tao sa ibaba. Ang gumalaw, walang galang sa 12 o’clock habit ng SLU...ang Angelus. Ang gumalaw huhulihin ng mga sekyu. Pag nagkataong lumindol sa oras na ito, siguradong tigok ka sapagkat wala kang kalayaang kumilos hanggat di natatapos ang dasal. Ganito rin ang eksena kapag alas-sais ng gabi. Kahit late ka na sa klase mo kailangan mo magbigay galang sa ilang minutong katahimikan.
Amen…natapos din. Tuloy ang ikot ng mundo.
Natatanaw ko mula dito ang kontrobersyal na Giant Steps. Ito lang ang lugar sa unibersidad na hindi lihim pero maraming nangyayaring kababalaghan. Ito ang exchange market ng unibersidad. Mula exchange ng tsismis, assignments, leakage sa exam hanggang sa tanyag na Prosti-tuition.
May katotohanan man o wala ang tungkol sa Prosti-Tuition ito ay isang maingay na usapin sa unibersidad. May mga estudyante na nagbebenta ng seks kapalit ng pambayad sa tuition fee nila. Madalas mga babae ang biktima, minsan naman mga lalaki at mga bakla ang nambibiktima. Kung wala itong katotohanan, marahil hindi ito pinag-uusapan.
Inilipat ko ang aking tanaw sa mga gates ng unibersidad. Nakikita ko mula dito ang mga nagmamadali, naguunahan, nagsisiksikan at mga male-late ng mga estudyante. Tanaw ko ang mga nakaiwan ng ID na hindi nakaligtas sa matalas na mata ng mga Enriquez. Namumudmod sila ng ticket. Mabuti sana kung libreng movie ticket. Hindi! Ticket papuntang SAO (Students Affairs Office). Dito kailangan mong pumila upang makakuha ng I.D Pass kasama ang mga katulad mong ulyanin pagdating sa ID. Malas mo lang kung umabot hanggang loob ng Chapel (na kaharap ng SAO) ang pila…sigurado male-late ka.
Ang laki na ng ipinagbago ng SLU sa loob ng limang taon. Naging makulay ang paligid at mga gusali. Konektado na ang bawat kolehiyo. Hindi na magmumukhang basang sisiw ang mga estudyante kapag bumabagyo kahit mangingibang kolehiyo sila. Ngunit nakakalungkot din sapagkat ang nakikita ko lamang ay ang panlabas na kaanyuan ng aking paaralan. Sapagkat laganap pa rin ang permanenteng dumi sa dingding. Ito ay hindi dahil sa kapabayaan ng unibersidad kundi dahil na rin sa kawalang disiplina ng ilang estudyante. Hindi nagkulang ang unibersidad sa pagpapanatili ng kaayusan ng kanyang mga ari-arian ngunit sadyang may mga nilalang lang talaga na ginagawang intermediate pad ang dingding, mga upuan, lamesa, at blackboard. Nakita ko ulit ang pinakapaborito kong basahin na dumi kapag umiihi ako…“I Hate Vandalism”.
Hindi ko makakalimutan ang mga sandaling ito. Magiging bahagi na ito ng aking buhay. Sapagkat dito sa lugar na ito, naging hari ako. Ako ang emperor sa loob ng limang taon (humaba dahil sa lintik na Advanced Accounting, hehe). Dito ako nagsanay ng aking utak. Dito ko hinasa ang aking mga sandata sa nalalapit kong pakikipagsapalaran sa panibagong kaharian. Ngunit salamat kay Charles Vath at kay San Louis kasi iminulat nila sa akin ang katotohanang, kung gusto kong maging hari, kailangan kong magkaroon ng mataas na pangarap ngunit dapat manatili ang aking paningin sa ibaba…kung saan ako nanggaling.
__________________
*This is one of my official entry to Saint Louis University's 100 Stories Book for 2011 in its celebration for its 100th year of existence. Some lines have been added to this post to make the story clearer.
0 comments